Mga Katotohanan Tungkol sa COVID-19 at Mga Bakuna
To print this document, use your internet browser’s print settings to set page margins and remove the header and footer. For the best printing experience, use the Google Chrome, Firefox, or Microsoft Edge browser.
COVID-19
Ano ang COVID?
Ang COVID ay isang nakahahawang sakit. Walang paraan upang malaman kung paano ka maaapektuhan ng COVID. Bahagyang sakit lang ang nararanasan ng karamihan, ngunit maaari itong magdulot ng malubhang sakit at kamatayan.
Ang ilang tao ay nagkakaroon ng matagal na COVID na maaaring maging sanhi ng mga sintomas na tumatagal nang ilang linggo o buwan.
Maaari ring maging sanhi ang COVID para sa ilang tao ng mga bagong sakit, gaya ng:
- Dyabetis
- Mga sakit sa puso
- Pamumuo ng dugo
- Mga neurological condition na nakakaapekto sa utak at nervous system
Bakit napakahalaga ng pagpapabakuna?
Ang pagpapabakuna at pananatiling updated sa iyong bakuna sa COVID ay maaaring makabawas sa panganib na ikaw ay:
- Magkasakit nang malubha, kailangang maospital, o mamatay dahil sa COVID.
- Magkaroon ng matagal na COVID.
- Magkalat ng sakit sa iba at ilagay sa panganib ang kanilang kalusugan at buhay.
Sino ang mas nanganganib na magkaroon ng matagal na COVID?
Maaaring magkaroon ng matagal na COVID ang sinumang nagkasakit ng COVID. Sinisikap ng mga mananaliksik na mas maunawaan kung bakit may mga taong nagkakaroon ng matagal na COVID at may mga taong hindi nagkakaroon nito.
Sa ngayon, natuklasan ng mga pag-aaral na maaaring mas malaki ang pagkakataong magkaroon ng matagal na COVID ang mga sumusunod:
- Mga taong nagkasakit ng malubha mula sa COVID, lalo na ang mga nangailangan ng pangangalaga sa ospital.
- Mga taong may mga umiiral nang kondisyon sa kalusugan.
- Mga taong hindi bakunado laban sa COVID.
- Mga taong nakaranas ng multisystem inflammatory syndrome (MIS) habang may sakit na COVID o pagkatapos nito.
- Mga taong nagka-COVID nang mahigit sa isang beses.
Ano ang mga sintomas ng matagal na COVID?
Nakakaranas ang mga taong may matagal na COVID ng iba’t ibang sintomas, na ang ilan ay mahirap ipaliwanag. Kasama sa mga sintomas na karaniwang inuulat ang:
- Pagiging pagod o pagkahapo na nakakasagabal sa pang-araw-araw na gawain
- Mga sintomas na lumalala pagkatapos gumamit ng pisikal o mental na lakas (tinatawag ding “post-exertional malaise”)
- Lagnat
- Hirap sa paghinga o pangangapos ng hininga
- Ubo
- Pananakit ng dibdib
- Mabilis o kumakabog na pintig ng puso (tinatawag ding heart palpitation)
- Hirap sa pag-iisip o pagtutuon ng pansin (tinatawag na “brain fog” kung minsan)
- Sakit sa ulo
- Hirap sa pagtulog
- Pagkahilo kapag tumatayo (lightheadedness)
- Pakiramdam na parang tinutusok-tusok ng karayom
- Pagbabago sa pang-amoy o panlasa
- Paglalagas ng buhok
- Depresyon o pagkabalisa
- Pagtatae
- Pananakit ng tiyan
- Pananakit ng kasukasuan o kalamnan
- Pantal
- Pagbabago sa pagreregla
Pagpapabakuna
Sino ang dapat magpabakuna sa COVID?
Ang lahat na nasa edad na 6 na buwan o mas matanda sa Estados Unidos ay dapat magpabakuna sa COVID at panatilihin itong updated.
Lalo nang mahalaga para sa mga sumusunod ang magpa-booster dahil mas nanganganib silang magkaroon ng malubhang sakit mula sa COVID:
- Mga taong 50 taong gulang at mas matanda
- Mga taong nakatira sa mga pasilidad para sa pangmatagalang pag-aalaga
- Mga taong may mga partikular na medikal na kondisyon
- Mga buntis at nabuntis kamakailan
Saan ako makakahanap ng mga bakuna sa COVID?
Makakahanap ka ng mga bakunang malapit sa iyo sa vaccines.gov
Paano ibinibigay ang mga bakuna sa COVID?
Ibinibigay ang available na mga bakuna sa COVID-19 bilang iniksyon sa itaas na bahagi ng iyong braso. Maaaring bakunahan ang mga sanggol at bata sa kanilang hita.
Mabilis at halos walang mararamdamang kirot sa proseso, dahil napakanipis ng karayom at kaunti lang ang dosis.
Ilang dosis ng bakuna ang kailangan ko para sa pinakamahusay na proteksyon? At kailan ko ito matatanggap?
Nakadepende sa dalawang bagay ang bilang ng dosis na kailangan mo para manatiling updated ang iyong bakuna sa COVID at kung kailan ito tatanggapin:
- Ang iyong edad
- Kung mayroon kang ilang partikular na kondisyon sa kalusugan
Makipag-usap sa tagapagbigay ng iyong bakuna o health care provider tungkol sa kung kailan ka kailangang tumanggap ng dosis ng bakuna sa COVID.
Kaligtasan ng bakuna
Ligtas ba ang mga bakuna sa COVID?
Oo. Ang mga bakuna sa COVID na available sa Estados Unidos ay nakakatugon sa napakataas na mga pamantayan ng FDA at CDC.
Daan-daang milyong tao sa Estados Unidos ang ligtas na tumanggap ng mga bakuna sa COVID sa ilalim ng pinakamahigpit na pagsubaybay sa kaligtasan sa buong kasaysayan ng Estados Unidos.
Bihirang-bihira ang malulubhang pangalawang epekto at reaksiyong alerhiya, na nangyayari lang sa napakakaunting bilang ng mga tao.
Walang ebidensya na nakapagdudulot ng pangmatagalang problema sa kalusugan ang mga bakuna sa COVID, gaya ng pagkabaog o kanser.
Mas matinding banta ang COVID sa iyo kaysa sa anumang panganib mula sa mga pangalawang epekto ng bakuna.
Maaaring magdulot ang COVID ng pagkakaroon mo ng pinsala sa puso at baga at iba pang kondisyon na nangangailangan ng pangmatagalang gamutan.
Kung may alerhiya ka sa anumang sangkap sa mga bakuna, matutulungan ka ng iyong tagapagbigay ng bakuna na magpasiya kung ligtas para sa iyo na tumanggap ng bakuna sa COVID.
Ligtas ba ang mga bakuna sa COVID para sa mga bata?
Mahigpit na sinubok ang bakuna sa COVID sa libu-libong bata bago ito binigyan ng awtorisasyon ng FDA. Naipakita na ligtas at mabisa ang bakuna sa panahon ng mga klinikal na pagsubok. At kinukumpirma ng tunay sa buhay na ebidensiya mula sa pagbabakuna ng milyun-milyong bata ang kaligtasan ng mga ito.
Nagkaroon ang mga bata ng parehong uri ng pansamantalang pangalawang epekto mula sa mga bakuna gaya ng sa matatanda. Kadalasang banayad ang mga pangalawang epekto sa panahon ng klinikal na pagsubok at nawawala nang kusa sa loob ng ilang araw.
Anong mga pag-iingat ang nakatakda para matiyak na ligtas ang mga bakuna sa COVID?
Bago gawing available ng FDA ang mga bakuna sa publiko:
- Dapat suriin ng mga siyentipiko ang mga bakuna sa mga medikal na pag-aaral, na tinatawag na klinikal na pagsubok, sa libu-libong kalahok. Ikinukumpara ng mga pag-aaral na ito ang nangyayari sa mga taong nagpabakuna sa mga taong hindi nagpabakuna.
- Mahigit 100,000 boluntaryo mula sa iba’t ibang populasyon ang nakibahagi sa mga klinikal na pagsubok para sa available na mga bakuna sa COVID.
- Sinusuri ng mga siyentipiko ng FDA ang impormasyon mula sa mga medikal na pag-aaral at sinisiyasat ang mga lugar kung saan ginagawa ang mga bakuna bago nila pinahihintulutan o inaaprubahan ang paggamit ng ng mga bakuna sa publiko.
Kahit na ang mga bakuna ay ginagamit na sa publiko:
- Mahigpit na sinusubaybayan ng mga siyentipiko ng FDA at CDC kung paano ginagawa at ibinibigay ang mga bakuna, para matukoy ang anumang isyu sa kaligtasan.
- Maingat na sinusuri ng mga siyentipiko ng FDA at CDC ang anumang ulat ng mga pangalawang epekto o reaksyon at ibinabahagi ang mga katotohanang ito sa publiko.
Paano magiging ligtas ang mga bakuna sa COVID? Napakabilis nilikha ang mga ito.
Isang bagong sakit nga ang COVID, ngunit ang mga bakuna ay hindi bago.
Mabilis nakagawa ang mga siyentipiko ng ligtas at mabisang mga bakuna sa COVID sa pamamagitan ng paglalapat ng maraming taong karanasan sa bakuna at mga pagsulong sa teknolohiya.
Gayundin, bumubuo na ng bakuna sa coronavirus ang National Institutes of Health bago pa ang pandemya at nagamit nila ang karanasang iyon sa paggawa ng bakuna sa COVID.
Higit sa lahat, walang nagbalewala o naglaktaw ng anumang hakbang na nakakaapekto sa kaligtasan ng bakuna sa pagbuo, pagsubok, pagbibigay ng pahintulot, at pag-apruba sa mga bakuna sa COVID.
Magkakasakit ba ako dahil sa bakuna?
Hindi ka magkaka-COVID mula sa mga bakuna dahil wala itong lamang virus na nagdudulot ng sakit.
Maaaring sumakit ang braso mo pagkatapos mong mabakunahan. Maaaring maranasan mo rin ang mga sintomas na parang trangkaso, gaya ng lagnat, mga sakit ng ulo, sakit ng katawan, at pagkapagod.
Ang mga ito ay karaniwang mga senyales na tumutugon sa bakuna ang iyong sistema ng imyuno. Kahit na maaring hindi kanais-nais ang mga pangalawang epektong ito, hindi ka totoong may sakit. At ang mga ito ay tumatagal ng ilang araw lamang.
Ano ang mas malulubhang pangalawang epekto ng mga bakuna sa COVID?
Ang malulubhang pangalawang epekto mula sa anumang bakuna, kabilang ang mga bakuna sa COVID, ay napakadalang.
Maliit din ang pagkakataon na magdulot ang mga bakuna ng anumang pangmatagalang problema sa kalusugan, gaya ng kanser.
Naranasan ng napakakaunting bilang ng mga bakunadong tao ang sumusunod, ilang oras at araw matapos bakunahan ng isa o higit pa sa mga bakuna:
- Anaphylaxis—isang reaksiyong alerhiya na, kung mangyayari ito, malamang na maganap sa loob ng ilang minuto matapos ang pagbabakuna. Nakahanda ang mga lugar ng pagbabakuna na tugunan ang anumang bihirang kaso ng anaphylaxis na nangyayari.
- Myocarditis at pericarditis—dalawang uri ng pamamaga ng puso na, kung mangyayari, ay malamang na maganap sa loob ng ilang araw matapos ang pagbabakuna.
- Guillain-Barré syndrome—isang bihirang autoimmune disorder na, kung mangyayari, ay malamang na maganap sa loob ng mga unang linggo matapos ang pagbabakuna.
- Thrombosis na may thrombocytopenia syndrome—isang bihirang-bihirang disorder na, kung mangyayari, ay malamang na maganap sa loob ng mga unang linggo matapos ang pagbabakuna. Higit sa lahat, hindi na available sa Estados Unidos ang uri ng bakuna na nauugnay sa ganitong bihirang kondisyon.
Kung mangyayari ang anuman sa mga bihirang reaksyon na ito, alam ng mga health care provider kung paano gagamutin ang mga ito.
Na alam natin ang napakabihirang mga kasong ito ay nagpapakitang gumagana ang mga sistema sa pagsubaybay ng FDA at CDC para sa kaligtasan ng bakuna, at nalalaman nito kahit ang pinakabihirang reaksyon.
Ligtas ba ang mga bakuna sa COVID para sa mga buntis, gustong mabuntis, o nagpapasuso?
Oo. Maaaring maprotektahan ka ng pagbabakuna sa COVID laban sa malubhang pagkakasakit mula sa COVID at makakatulong na mapanatiling ligtas ang iyong sanggol.
Maaaring maging mapanganib na sakit ang COVID habang nagbubuntis at napapataas nito ang panganib ng panganganak nang kulang sa buwan. Maaari nitong madagdagan ang mga panganib sa pagkakaroon ng iba pang problema sa panahon ng pagbubuntis.
Ang pagbabakuna laban sa COVID ay hindi humahantong sa mga komplikasyon habang nagbubuntis.
At, walang ebidensya na ang anumang bakuna, kabilang ang mga bakuna sa COVID, ay nagdudulot ng mga problema sa kakayahan ng mga lalake at babae na magkaroon ng anak.
At wala ring dahilan para ipagpaliban ang pagpapabakuna mo kung ikaw ay may regla.
Inirerekomenda ng CDC ang pagbabakuna laban sa COVID sa lalong madaling panahon para sa lahat ng buntis, sinisikap na mabuntis, gustong mabuntis sa hinaharap, o nagpapasuso.
Paano gumagana ang mga bakuna sa COVID?
Ang mga bakuna sa COVID na available sa Estados Unidos ay nagpapakilala sa iyong sistema ng imyuno sa spike protein na matatagpuan sa ibabaw ng coronavirus.
Nakikita ng iyong sistema ng imyuno ang spike protein bilang nananakop na mikrobyo at tumutugon sa pamamagitan ng paggawa ng mga selula na handang tukuyin at atakihin ang coronavirus kung mahahantad ka dito.
Ngunit hindi ka kailanman malalantad sa totoong virus, sapagkat ang bakuna ay walang virus kaya hindi ka magkaka-COVID dahil sa mga ito.
Kapag naipakilala na ang spike protein sa iyong sistema ng imyuno, tinutunaw ng iyong katawan ang mga sangkap ng bakuna at sinusugpo ang mga ito.
Hindi nagbabago o nakikipag-ugnayan ang mga bakuna sa iyong DNA sa anumang punto. Pagiging mabisa ng bakuna
Gaano kabisa ang mga bakuna sa COVID?
Mabisa ang lahat ng available na bakuna sa COVID sa pagpigil ng malubhang pagkakasakit, pagkaka-ospital, at pagkamatay dahil sa COVID.
Para sa pinakamahusay na proteksyon, kailangan mong panatilihing updated ang iyong bakuna sa COVID.
Bakit ko kailangang magpabakuna at panatilihing updated ang aking bakuna sa COVID kung mahahawahan pa rin ako ng COVID?
Mabisa ang mga bakuna sa COVID sa pagpigil ng malubhang pagkakasakit, pagkaka-ospital, at pagkamatay dahil sa COVID.
Kung updated ang iyong bakuna sa COVID at pumasok ang virus sa iyong katawan (mahawahan ka nito), mabilis na makikilala ng iyong sistema ng imyuno ang virus at kikilos ito para pigilan ito sa paggawa ng tunay na pinsala.
Makakatulong ba ang mga bakuna sa COVID para maiwasang mahawahan ko ang iba?
Kung pananatilihin mong updated ang iyong bakuna sa COVID, mas maliit ang pagkakataon na ikaw ay magka-COVID at maikalat ito sa iba.
Kung nahantad ka sa isang taong may COVID o kung nagka-COVID ka, may mga bagay na maaari mong gawin para pigilan ang pagkalat ng COVID. Kasama dito ang:
- Panatilihin ang iyong distansya mula sa ibang tao
- Pagsusuot ng de-kalidad na maskara kung kailangan mong makihalubilo sa iba sa bahay o sa pampublikong lugar